Mahigit 400 kilo ng pork products mula Luzon, sinunog sa Cebu

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 08:03 PM

MANDAUE CITY - Mahigit 400 kilo ng karneng baboy at pork-related products galing Luzon ang sinunog ng African Swine Fever Provincial Task Force ng Cebu Lunes.

Isinagawa ang pagsunog sa mga produkto sa pasilidad ng RRDS Petro-Chemical Industries Inc. sa Mandaue City.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Mary Rose Vincoy, nakuha nila ang mga produkto galing Luzon sa mga estante ng supermarkets at merkado maging sa pantalan na pilit pinapalusot ng mga negosyante.

Dagdag ni Vincoy, magpapatuloy ang istriktong implementasyon nila ng Executive Order No.16 ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na nagbabawal sa lahat ng pork at pork-related products mula sa Luzon upang hindi mahawa sa sakit na ASF ang mga alagang baboy sa Cebu.

Aminado ang Task Force ASF na sa kabila ng kanilang operasyon, may mga indibidwal at negosyante pa ring nagmamatigas kaya naman pinag-aaralan na nila ang pagsampa ng kasong administribo lalo na sa mga supermarket operators na hanggang ngayon ay nagdi-display pa rin ng mga produkto galing Luzon.

Humingi na rin ng tulong ang task force sa mga lokal na pamahalaan sa probinsiya upang tulungan sila sa kanilang monitoring at surveillance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.