Taniman ng gulay dagdag-ayuda para sa mga benepisyado ng 4Ps

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 07:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinirang ang pamilya Dionisio mula Labo, Camarines Norte bilang kampeon ng Huwarang Pantawid Pamilya nitong taon, o iyong pamilyang puwedeng tularan dahil sa kanilang pagsusumikap sa kabila ng matinding kahirapan.

Isa ang pamilya Dionisio sa higit 4 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagbibigay ng cash grants o pinansiyal na ayuda sa mga mahihirap na pamilya.

Pero aminado ang DSWD na hindi sapat ang pagbibigay ng cash grant sa mga pamilya para malabanan ang gutom at kahirapan kaya tinutulungan din nila ang mga benepisyado, kabilang ang pamilya Dionisio, na makapagtayo at mangasiwa ng sariling taniman ng mga gulay.

Kabilang sa mga gulay na naitatanim ng mga benepisyado sa ilalim ng proyektong "Gulayan sa Barangay" ang oktra, repolyo, kamatis, sili, at talong.

Ayon kay Maritess Dionisio, malaki ang naitutulong ng taniman dahil sa halip na gumastos sila sa pamamalengke, doon na nila kinukuha ang pagkain.

"'Yon nagsu-supply po sa amin kaya nakatutulong 'yon nang marami sa amin," ani Maritess.

Sa ngayon, halos lahat ng lungsod sa bansa ay mayroon nang "Gulayan sa Barangay."

Tumutulong din ang DSWD sa paghahanap ng mga lugar kung saan puwedeng magtanim ang mga benepisyado. Nagbibigay din ang ahensiya ng mga gamit at binhi.

"Lalo sa inflation rate na pinagdadaanan ng buong bansa ngayon," ani Macario De Villa, 4Ps deputy program manager.

"Ang pagkakaroon ng gulay at the end of their fingertips can really respond to something that is very crucial," dagdag ni De Villa.

Kapag marami ring ani ang mga benepisyado, binebenta rin nila ang mga gulay para may dagdag kita.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.