'Paggamit ng brotsa sa pag-ihaw, mapanganib'

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 03:42 PM

Nagbabala ang environmental group na EcoWaste Coalition laban sa paggamit ng mga paintbrush o brotsa sa pag-ihaw ng mga pagkain, na anila ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan.

Karaniwan kasing ginagamit sa paghahanda ng mga inihaw na pagkain, gaya ng barbecue, ang mga paintbrush, na ayon sa chemical safety campaigner na si Thony Dizon ay naglalaman ng nakalalasong lead o tingga.

"Ang paggamit ng mga lead-coated paintbrushes na ginagamit na pamahid ng sause, butter o oil sa mga iniihaw na barbecue at ang paulit-ulit na paggamit nito ay naghahatid ng chemical exposure at pagkalason," sabi ni Dizon.

Sa higit 70 paintbrush na binili ng EcoWaste Coalition sa mga hardware store sa Metro Manila, higit 50 daw rito ay may lead na lagpas sa 90 parts per million na pinapayagang lead content ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Kulay dilaw daw ang ilang brush na may lead content at wala pang nakalagay na lead warning label o babala ukol sa lamang lead.

Ayon naman kay Dr. Erle Castillo ng Philippine Society for Clinical and Occupational Toxicology, nagkakaroon ng epekto sa utak at kidney o bato ang exposure sa lead.

"Nakakaapekto sa kidney at maging sa utak, lalo sa development ng mga bata," ani Castillo.

Sa halip na brotsa, iminungkahi ng EcoWaste Coalition ang dahon ng saging, tanglad at pandan bilang mga alternatibong pamahid ng sarsa sa mga iniihaw na ulam.

Irerekomenda ng EcoWaste Coalition sa DENR ang pag-pull out o pag-alis sa merkado ng mga paintbrush na lumalabag sa itinakdang lead content at ang pagpapalawig ng kaalaman ng publiko ukol sa tamang paggamit ng mga brush.

--Ulat nina Arra Perez at Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.