Higit 30 pamilya, nawalan ng tirahan sa sunog sa Cagayan de Oro

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 12:12 AM

CAGAYAN DE ORO—Higit 30 pamilya ang naghahanap ng matitirahan matapos masunog ang kanilang mga bahay sa Barangay 17-A sa lungsod na ito Biyernes.

Umabot sa 4th alarm bago naapula ang sunog, na nag-iwan ng P1.2 milyong pinsala.

Agad rumesponde ang mga bombero sa nasabing sunog pero dahil dikit-dikit at gawa halos sa light materials ang mga bahay, naging abo kaagad ang mga tirahan.

Kahit nasusunog ang kaniyang sariling bahay, isang residente ang tumulong sa kaniyang kapitbahay para masagip ang kaanak nito na na-trap sa isang kuwarto.

Pansamantalang nakisilong sa barangay hall ang mga apektadong pamilya at residente.

Nanawagan ang mga lokal na opisyal na tulungan ang mga nasalanta.

Umaasa ang mga apektadong pamilya na mabigyan ng mga construction supply para muling magtayo ng kanilang mga bahay.

Inaalam pa ng CDO Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.

—Ulat ni Joey Taguba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.