Drayber ng jeep, patay sa pamamaril sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 08:18 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang 32 anyos na drayber matapos pagbabarilin sa Bangkal, Davao City Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jovert Ordaneza, alyas "Jek-Jek," isang drayber ng jeep.

Ayon sa mga nakakita, dalawang salarin na sakay ng motorsiklo ang bumaril sa biktima habang nakahinto ito.

"Naa man pasahero nibaba, nilugar ang jeep. Gituparan lang ni siya og naka-motor, usa ang sakay. Ang backride maoy nag-pusil," ayon sa isa sa mga nakakita.

(May pasaherong bumaba sa jeep. Tinabihan ang driver ng isang nakamotor. Ang angkas nito ang namaril.)

Blanko rin ang kaanak ng biktima sa motibo kung bakit pinatay ito.

Ayon sa live-in partner nito na si Kathlyn Saniel, wala namang nasabi ang biktima kung may nakaalitan o may nagalit sa kaniya. Wala rin daw bisyo ang biktima.

"Wala gyud na siya'y kalaban. Moistorya man na siya sa akoa, mga kundoktor o drayber," ayon sa asawa ng biktima.

(Wala naman siyang kalaban. Kinakausap naman niya ako.)

Aalamin pa ng Talomo Police sa mga kasamahang drayber ng biktima kung may nakaaway ito habang namamasada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.