Ilang mangingisda wala nang kinikita bunsod ng Manila Bay fish kill

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 06:56 PM | Updated as of Oct 12 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Umaaray na ang mga mangingisda dahil sa pagkamatay ng tone-toneladang isda sa mga bahagi ng Manila Bay sa Las Piñas at Parañaque.

Ayon sa fish bidder na si Ricky Gillego, aabot sa 60 porsiyento ng kanilang kita ang bumagsak bunsod ng fish kill.

Ang magtatahong naman na si Roberto Amante, pinagkakasya ang P300 sa 7 anak matapos bumagsak sa 2 sako ang dating 10 sakong nahahango niya.

"Dati kumikita kami P500, ngayon P300 na lang. Siyempre, nabawasan 'yung kalakal namin," ani Amante.

Nitong Sabado, 7 sako ng patay na isda ang ibinaon ng clearing team ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para maiwasan ang kontaminasyon. Namamaho na raw din kasi ang mga ito.

Sa dalampasigan ng San Dionisio, Parañaque, makikitang may mga patay ding mga tahong at alimango. Durog naman ang ibang mga isda.

Mas marami pa raw ang patay na isda kaysa basura, pahayag ng cleaner na si Marites Ariola.

Kulay tanso naman ang tubig sa bahagi ng Manuyo Uno, kung saan tone-toneladang patay na isda ang lumutang noong Huwebes.

POLUSYON SINISI

Base sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), mababa ang dissolved oxygen na kinakailangan ng mga isda para mabuhay.

Mataas naman daw ang antas ng ammonia at phosphates sa tubig. Ibig sabihin, marumi ito.

"Kailangan lang sigurong tukuyin kung saan nanggaling ’yung mga pollution at palagi nga naming sinasabi, dapat nating panatilihing malinis sana ’yung ating mga karagatan para ma-sustain ’yung life doon sa dagat," ani Sammy Malvas, direktor ng BFAR sa Calabarzon.

Mababang antas ng alat sa tubig (salinity) ang nakikitang dahilan ng BFAR sa pagkamatay ng mga seashell - na posibleng nag-ugat sa madalas na pag-ulan sa Kamaynilaan.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na delikado ang pagkain ng isdang tinamaan ng fish kill.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.