Bagyong Hagibis hinambalos ang Japan; bahagi ng Metro Manila inuulan din

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 06:59 PM | Updated as of Oct 12 2019 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nararanasan na ngayong Sabado sa Tokyo at karatig na prefectures ang bagsik ng bagyong Hagibis, na tinaguriang pinakamatinding bagyo na tumama sa kabisera sa loob ng 60 taon.

Isa na ang naitalang patay dahil sa bagyo. Kasabay nito ay nakapagtala rin ng bahagyang lindol sa Chiba prefecture at pati sa Tokyo area.

Nararanasan na rin ang malakas na ulan at hangin na nakasira sa mga bahay sa Ichihara sa Chiba prefecture.
    
Binaha rin ang Izunokuni sa Shizuoka prefecture.
    
Apektado rin ng baha ang mga bahay at nalubog ang mga kotse sa Ise sa Mie prefecture.

Sa kuhang retrato naman ni Bayan Patroller Guillen Palle na nasa Anjo City sa Aichi prefecture, halos nilimas na ng mga residente ang produkto sa supermarket bilang paghahanda kay Hagibis.

Nag-abiso naman ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo na mag-ingat ang mga Pinoy sa kasagsagan ng bagyo.

"The Embassy has asked Filipinos in Japan to be careful as heavy rains, strong winds, high waves, and storm surges are likely to occur, and to avoid travelling to potentially affected areas until the typhoon has dissipated," ayon sa Embassy.

ULAN AT TRAPIKO SA METRO MANILA

Samantala, nakararanas din ng malakas na buhos ng ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayon.

Nagbaha na sa bahagi ng East Avenue sa Quezon City sa tapat ng East Avenue Medical Center at Social Security System.

Kaakibat nito, nagkaroon naman ng matinding trapiko sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada.

Ayon sa state weather bureau PAGASA, nangyayari ang pag-ulan dahil sa thunderstorms.

—May ulat ni Allden Estolas

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.