Mag-ama, caregiver patay sa sunog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 05:34 AM | Updated as of Oct 11 2019 07:35 PM

Lyza Aquino, ABS-CBN News


MAYNILA—Patay ang 3 katao matapos masunog ang isang bahay sa Barangay Blue Ridge A, Katipunan Ave., Quezon City Biyernes ng madaling-araw.

Nasawi ang 87 anyos na may-ari ng bahay, kaniyang 40 anyos na anak at 35 anyos na caregiver.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy pasado alas-2 ng madaling-araw.

Sa lakas ng apoy, bumagsak ang ikalawang palapag at nasunog ang 4 na kotse.

Kuwento ng nakaligtas na kasambahay, nakarinig siya ng putok bago sumiklab ang sunog sa may kusina.

Tumakbo siya sa labas para humingi ng tulong, pero mabilis na lumaki ang apoy.

"'Yong fire extinguisher hindi kaya. Hindi kaya kasi grabe talaga 'yong apoy," ani Melendre Alegre.

Nakita pa niya ang kaniyang amo na humihingi ng tulong sa ikalawang palapag ng bahay.

Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi ng sunog.

Watch more in iWant or TFC.tv

—May ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.