Lalaking dawit sa pagtangay ng elf truck, timbog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 04:50 PM | Updated as of Oct 11 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Martes sa Las Piñas City ang isang lalaking inireklamo ng pagnanakaw umano ng isang elf truck sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ni Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ang suspek bilang si Romulo Abaoag, isang taxi driver.

Ayon kay Cabatingan, nakatanggap sila ng reklamo noong Oktubre 6 mula kay Raul Penas ukol sa pagkawala ng kaniyang trak, na ipinarada daw niya sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Molino, Bacoor.

Sa tulong ng CCTV na nakapuwesto malapit sa bahay ni Penas, natukoy ng mga pulis ang mga responsable sa pagtangay sa trak.

Nakita sa CCTV ang plate number ng taxi na minamaneho ni Abaoag, na ginamit nito sa paghatid sa dalawa niyang kasabwat na siya namang nagbukas sa trak at tumangay nito.

Ayon kay Abaoag, na hinuli sa isang entrapment operation, hindi niya alam kung saan dinala ng kaniyang mga kasamahan ang trak.

Dagdag pa niya, isa sa kaniyang mga kasamahan ay dating pulis.

Kinasuhan noong Miyerkoles ng paglabag sa anti-carnapping law si Abaoag, na kasalukuyang nakakulong sa Bacoor City Custodial Center habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.