Class baron ng PMA cadet corps, nagbitiw sa puwesto

Maira Wallis, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 11:58 PM

BAGUIO CITY - Nagbitiw sa puwesto ang brigade commander ng cadet corps o class baron ng Philippine Military Academy Masidlawin Class of 2020.

Kinumpirma ng bagong Commandant of Cadets na si Brigadier General Romeo Brawner na nagbitiw na nitong Miyerkoles si Cadet 1st Class Ram Michael Navarro bilang class baron.

Aniya, command responsibility ang dahilan ni Navarro sa pagbibitiw sa puwesto.

Ito rin ang naging dahilan nina Lieutenant General Ronnie Evangelista at Commandant of Cadets Brigadier General Bartolome Bacarro sa kanilang pagbibitiw sa puwesto matapos ang insidente ng diumano'y hazing na ikinamatay ng isang kadete.

Paliwanag ni Brawner, ang pagbibitiw ni Navarro ay patunay na seryoso maging ang mga kadete laban sa hazing.

Noong unang humarap sa media ang mga opisyal ng PMA, ipinahayag ni Navarro ang kaniyang pagkondena sa maltreatment at pananakit sa mga kapwa kadete.

"It is disheartening that we lost one of our comrade.. the corps has decided to put an end to malpractices emanating from ignorance and negligence," sinabi ni Navarro sa isang press conference noong Setyembre 20.

Martes nang pormal na sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law, murder at torture ng pamilya ni Darwin Dormitorio ang pitong kadeteng sangkot umano sa pagkamatay nito.

Nasa kustodya pa rin ng PMA ang mga nasabing kadete. Patuloy rin ang masusing imbestigasyon sa iba pang kadeteng nakitaan ng sugat sa kanilang mga katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.