Mga biktima ng bumigay na water tank sa Bulacan, naglabas ng hinaing

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 02:09 PM | Updated as of Oct 10 2017 02:49 PM

Photo from Kevin Manalo's Twitter account

Naglabas ng hinaing ang ilang residente na malubhang naapektuhan ng bumigay na dambuhalang tangke ng tubig sa San Jose Del Monte, Bulacan noong Oktubre 5. 

Nananawagan si Olive Ape sa local water district na ipalibing na ang kaniyang anak na nasawi sa insidente.

Ayon kay Olive, nangako ang water district na sasagutin nila ang burol at libing ng 1-taong gulang na si Niña.

Pero hindi pa rin daw sila magkasundo sa kung saan at kailan ito ililibing. Hindi daw kasi pumayag ang water district sa napiling sementeryo ng pamilya.

Sa sampung anak ni Olive, lima ang matindi ang inabot nang bumigay ang tangke.

Nagising na lang daw silang nakalublob sa tubig at nadadaganan ng mga kahoy, bakal at bato. Ang isang anak niya, may tama sa ulo. Ang isa naman malalim ang sugat sa leeg.

Buhay pa daw ang kaniyang sanggol nang makuha sa ilalim ng debris pero namatay rin ito sa ospital dahil sa dami ng nainom na maruming tubig.

Si James Garcia naman, masama ang loob sa sinapit ng amang si Jimmy Garcia.

Tagaluto ng pagkain sa police station si Jimmy. Naroon siya sa labas ng estasyon nang bumigay ang tangke. 

Nagulat na lang daw si James nang ipaabot ng isang kaibigan ang masamang balita. 

Nag-iisa na lang daw siya sa buhay ngayong wala na ang kaniyang ama. Ang panawagan naman ni James, sana'y bisitahin ng mga kamag-anak si Jimmy.

Sa kabuuan, apat ang patay at mahigit sa 40 ang nasugatan sa malagim na inisdente. 

--Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.