'Palit-pera modus': Lalaki nakatangay ng P1,900 sa 'nilitong' tindera

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 01:11 PM

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos umanong biktimahin ang isang tindera sa isang "palit-pera modus" sa Naga City nitong Sabado. 

Kuwento ng tinderang si alyas "Marie" ay nagpa-load sa kaniya ang isang lalaki at inabot ang pera nitong P1,000. 

Pero bigla umanong sinabi ng lalaki na hindi na siya magpapa-load at babawiin na lang ang pera. 

Nang ibalik ng tindera ang P1,000 ng salarin, nagreklamo ito at sinabing P100 lang ang inabot sa kaniya.

"Binalik ko na 'yung pera, nakalimutan ko na P1,000 nga talaga ang binigay ko tapos pinakita niya sa akin 'yung P100. Parang nililito niya na ako," ani Marie.

Bukod rito, hiniling pa ng lalaki na magpapalit na lamang ng dalawang P500 sa halip na buong P1,000 ang ibalik nito. Nang matapos na ang pagpalit ng pera, doon na naghinala si Marie. 

"Pagbigay ko po uli ng P1,000, sabi niya papalit na lang ng dalawang P500, kasi may dalawa akong P500 sa kaha. Tapos nung pinalitan ko na 'yung P500...pagtingin ko sa kaha sabi ko parang may mali...hindi pala ibinigay 'yung P1,000 sa akin."

Aabot sa P1,900 ang natangay ng lalaki. Aminado si Marie na hindi siya naging alerto sa insidente. 

Labis ang paghihinayang ng tindera dahil siya ang tumutulong sa kaniyang biyudang ina at ikakaltas sa kaniyang sweldo ang ninakaw na pera. 

"Sobrang importante kasi imbes ibigay ko na lang kay mama, hindi na lang, kasi tinangay niya na," ani Marie. 

Nagsasagawa na ang Naga City police ng mga follow-up investigation para matunton ang salarin. 

Paalala ng pulisya na maging alisto sa mga ganitong sitwasyon lalo na't papalapit na ang holiday season.

-- Ulat ni Rona Nuñez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.