Notoryus umanong tagapeke ng dokumento arestado ng NBI

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 04:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Natimbog muli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ang itinuturong "legendary forger" o kilalang tagapeke ng mga dokumento sa bansa.

Kinilala ang suspek na si Manuel Bala alyas "Nonoy Bala" na ilang ulit nang naaresto dahil sa pamemeke ng mga dokumento simula pa noong dekada 90.

Pinakahuli umanong biktima ni Bala sina Kevin Keith Fajardo at Jarra Rowella na pinagpanggap niyang mag-asawa para sana makakuha ng visa para sa Estados Unidos. 

Hindi nagtugma ang ipinresentang dokumento nina Fajardo at Rowella sa US Embassy gamit ang pekeng pasaporte nila na gawa umano ni Bala kapalit ng higit P400,000.

Nakapag-bayad na umano ang dalawa ng down payment na P50,000 at ang balanse ay huhulugan na lang ng P20,000 kada-buwan kapag nasa Amerika na ang mga ito.

Nitong Biyernes pa naaresto si Bala sa Paco, Maynila. Isinalang na siya sa inquest proceedings para sa kasong falsification of public documents na isa namang bailable offense.