'Mga magsasaka sapul sa pag-angkat ng bigas'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi natuwa ang ilang rice stakeholders sa hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing "unimpeded" o walang restriksiyon ang pag-aangkat ng bigas sa bansa dahil maaapektuhan daw nito ang mga lokal na magsasaka.

Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Bantay Bigas na nababahala sila sa pagpasok ng inangkat na bigas, na maaari raw pumatay sa lokal na produksiyon.

Hindi rin naman tiyak na mapabababa ng pag-angkat ng bigas mula sa labas ng bansa ang kasalukuyang presyo ng bigas sa merkado.

"Nakababahala ang tuluyan nang pagpapasok ng imported na bigas sa produksiyon at kabuhayan ng mga magsasaka dahil papatayin ng imported na bigas ang ating lokal na produksiyon habang hindi naman garantiyang bababa ang presyo ng bigas," sabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo.

Ayon sa grupo, dapat pagtuunan na lamang ng pansin ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na produksiyon ng bigas.

"Hindi rin mainam na prinsipyo sa seguridad sa pagkain at agrikultura ang pag-asa ng pamahalaan sa mga produktong agrikultural ng dayuhang bansa," sabi ni Estavillo sa pahayag.

Naniniwala rin ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na makasasama para sa mga magsasaka ang pag-angkat ng bigas.

"Madi-dislocate 'yong farmers" ani Sinag president Rosendo So. 

"'Yong mga miller, gusto na rin mag-import, so preparado ba 'yong gobyerno natin bumili ng palay?" dagdag ni So.

Inanunsiyo nitong Martes ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pumayag na ang pangulo sa pag-alis sa mga restriksiyon ng pag-aangkat ng bigas sa bansa.

Isa raw ito sa mga paraan para mapababa ang presyo ng bigas.

Ibig sabihin, kahit sino ay puwede nang mag-angkat ng bigas basta kailangan lang kumuha ng import permit at magbayad ng tamang buwis o taripa.

"The president ordered the unimpeded importation of rice... Wala na pong resctrictions ngayon," sabi ni Roque sa press briefing.

Ayon pa kay Roque, gagamitin naman daw ang taripa para sa mga lokal na magsasaka.

"Gagamitin natin ang taripa para sa mga Pilipinong magsasaka ng bigas," dagdag ni Roque.

Kinumpirma naman ng Department of Agriculture at National Food Authority (NFA) na mayroon ngang utos ang pangulo pero wala pang detalye kung paano ito ipatutupad.

Samantala, base sa pagbabantay ng NFA, bumaba na ang presyo ng commercial rice dahil umano sa ani at parating na inangkat na bigas.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.