Dalagita, 14, 'ginahasa' ng amain; ina kinasuhan din

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 09:13 PM

Naaresto ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang kaniyang stepdaughter habang nahaharap din sa kaso ang ina ng biktima dahil sa pagtangka umanong itago ang krimen.

Dinampot ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit noong Lunes ang suspek sa Cavite matapos ireklamo ng 14 anyos niyang stepdaughter o anak ng kaniyang misis sa dati nitong asawa.

Nahaharap naman sa kasong intentional neglect o sadyang pagpapabaya ang ina ng dalagita dahil sa pagturo umano nito sa biktima na manahimik na lang, ayon kay NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongallo.

"Bilang nanay o magulang, responsibilidad nilang pangalagaan 'yong bata. Dapat ang gawin niya, siya mismo ang pumunta sa awtoridad, isama iyong bata at mag-file ng reklamo. Sa pagkakataon na ito, baliktad," ani Dongallo.

Napilitan ang bata na lumapit sa kaniyang tiyahin dahil ilang beses umano siyang sinasabihan ng ina na manahimik na lang tuwing magsusumbong ukol sa umano ay panggagahasa.

"Nagsumbong siya sa nanay niya pero sinabi lang na huwag sabihin kahit kanino," sabi ng tiyahin ng biktima.

Hinuli ang suspek sa bisa ng arrest warrant dahil sa kasong rape noong 2014 na isinampa ng isang babaeng tauhan sa negosyo ng kaniyang pamilya. Naungkat ito matapos siyang ireklamo rin ng rape ng stepdaughter.

Tinanggi naman ng suspek ang mga paratang.

Posibleng makulong mula anim hanggang 12 taon ang ina dahil sa reklamong intentional neglect habang kulong naman ang suspek sa kasong rape.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.