Vico Sotto, ginunita ang ika-100 araw bilang alkalde ng Pasig

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 10:05 PM | Updated as of Oct 08 2019 10:28 PM

MAYNILA - Ginunita ni Pasig Mayor Vico Sotto ang kaniyang ika-100 araw sa pwesto sa isang talumpati at buong araw na pagbisita sa kaniyang mga proyekto.

Pero bago makarating sa unang lugar na pasisinayaan, sumama muna sa isang operation si Sotto. Matapos makumpirma sa inspection na wala ngang sewage treatment plant ang Razon’s Food Corporation, pinangunahan ni Sotto ang pagpapasara dito.

“Tungkol ito unang-una sa polusyon. Ikalawa sanhi ito ng baha. Nagpo-process sila ng karne, isipin ninyo pati dugo ng baboy dumederetso sa drainage ng city. Umaagos ang dugo hindi lang maduming tubig. Saan pumupunta yun? Ultimately pumupunta 'yun sa ilog,” ani Sotto.

Labingdalawang taon nang nag-o-operate ang food processing plant sa Pasig kaya ikinadismaya ni Sotto ang posibilidad na may tumatanggap ng suhol sa lokal na gobyerno kaya patuloy ang operasyon nito.

“Ang nakakalungkot dito may mga inspektor kami sa loob ng lokal na pamahalaan na pumupunta dito at for ilang years hinahayaan nila. Mananagot yung mga empleyado na 'yun," aniya.

Pagkatapos ipasara ang planta, binisita ni Sotto ang ilang elevated walkway na inayos alinsunod sa safe public places program ng Pasig.

Sunod niyang itinurn-over sa city hall ang mga service vehicle at gamot para sa health center. Dito niya ipinangako na magiging triple ang budget para sa gamot sa mga health center ng syudad.

Nagkaroon rin ng PhilHealth pre-registration para sa 11,000 tricycle driver alinsunod sa universal health program ng Pasig. Ayon kay Sotto, sasagutin ng lungsod ang PhilHealth coverage ng mga TODA members para sa nakaraang taon. 

Nag-ribbon cutting din si Sotto at Rep. Roman Romulo sa Social Welfare Assistance Center na magsisilbing one-stop shop para sa social services ng mga Pasigueño. 

Pagdating ng hapon, binisita ni Sotto ang mga residente ng Barangay Santolan upang ibalita ang plano niyang magkaroon ng in-city housing project. Ayon kay Sotto, naimbentaryo na ang mga lupain ng gobyerno sa lungsod na puwedeng tayuan ng mga gusaling gagawin para sa housing project. 

Sa Pasig City Science High School, inanunsyo ni Sotto na lalo niyang palalakihin ang budget para sa scholarship. Layon niyang makapag-aral ng libre ang 16,000 scholars (mula sa 13,000 ngayong taon) gamit ang pondong P400 million sa 2020. 

Sinundan niya ito ng tree planting sa Rainforest Park ng lungsod. Tinaguriang last lung of Pasig, sasailalim ang park sa isang urban reforestation project sa tulong ng isang non-government organization.

Sa kaniyang State of the City Address na Plaza Bonifacio, tinalakay ni Sotto ang iba’t ibang mga proyekto at benepisyo na inilaan niya para sa mga Pasigueño:

  • Pagpapaayos sa mga health center at pagtriple ng budget para sa gamot
  • Pagtanggal sa income targets ng mga ospital para makatutok ang mga ito sa serbisyo imbes na pagkita
  • Pagtanggal sa compounded 3% interest para sa mga nahuhuli sa pagbayad sa housing. Bukod sa gagawin na itong flat rate ay pabababain rin ito para mas maging abot kaya.
  • Pagreporma sa mga traffic enforcer ng Pasig
  • Tulong na P3-5 million para sa bawat barangay
  • Christmas gift at libreng sine (pag weekdays) para sa senior citizens at persons with disabilities

Pero nagbigay rin ng babala ang mayor sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na dapat namamahala sa pagsiguro na may sewage treatment plants and mga establishment sa Pasig. 

Ayon kay Sotto, iimbestigahan nila kung sino ang mga inspektor na hindi ginawa ang kanilang trabaho. Magsasampa umano sila ng karampatang mga kaso kung mapatunayang tumatanggap ang mga ito ng suhol.

Sa kaniyang talumpati, dinetalye rin ni Sotto ang Commission on Audit report tungkol sa mga kakulangan ng nakaraang administrasyon.

“Sinabi ng COA excessive ang pagbili ng supplies. Nasa P1 bilyon para sa January hanggang June,” ani Sotto. “Lumobo ng 240 percent. Labis labis naman po ata ito.”

Binanggit rin ni Sotto ang P9.4 bilyon na ginastos sa pagpapagawa ng mga gusali na “walang dokumento na nagsasaad na pagmamay-ari ito ng lungsod.”

Malaki rin daw ang petty cash at unliquidated cash advances kaya gagamit na ang lungsod ng cash cards para sa mas maayos na accounting. 

Pagkatapos ng talumpati, sinabi ni Sotto na hindi niya trabaho ang mag-witch hunt at hahayaan niya ang civil society na magkaso sa nakaraang administrasyon, tulad ng graft case na isinampa ng Tambuli ng Pasig laban sa mga Eusebio.

“My job is to look at what’s here right now,” aniya. “My extra effort is not for politics, it’s for the people.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.