Teachers' groups di kumbinsido sa pangakong taas-sahod ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi kumbinsido ang ilang grupo ng mga guro sa panibagong pangako ni Pangulong Rodrigo na itataas ang kanilang sahod.

Dapat maglabas ng kongkretong plano ang pangulo ukol sa pangakong umento, ayon kay Joy Martinez ng Alliance of Concerned Teachers.

"Ang gusto naming marinig kay presidente ay kongkretong plano kung magkano, kailan ibibigay niya 'yong aming hinihinging nakabubuhay na sahod," aniya.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Teachers' Dignity Coalition (TDC) na kailangan klaruhin ng pangulo ang pangako, lalo at wala ring indikasyong suportado ito ng Kongreso.

"The President's statement that the government will raise the entry-level salary of teachers to P35,000 should be clarified," ani TDC Chairperson Benjo Basas.

"Seemingly, there is no indication that both Houses of Congress is willing to do such," dagdag niya.

Sa talumpati noong Linggo, muling iginiit ni Duterte na tataasan niya ang sahod ng mga guro bago matapos ang taon.

"It's coming, ang increases nila but hindi double," ani Duterte.

Bukod sa pangulo, may ilang mga panukala sa Senado na naglalayong itaas ang take-home pay ng mga guro, kabilang ang panukalang tanggalan ng income tax ang Teacher I hanggang III.

Tinatayang nasa 783,851 guro ang makikinabang sa panukalang tax relief, ayon sa Department of Education.

Isinusulong din sa Senado ang pagkakaroon ng mga bagong ranggo ng mga guro.

Sakaling mapako muli ang pangakong taas-sahod, pinag-iisipan na umano ng mga guro sa National Capital Region na magtigil-klase, kahit isang araw, para maipakitang seryoso sila sa kanilang panawagan. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.