Suspek sa pagpatay sa radio broadcaster sa Kidapawan City sumuko na

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 05:15 PM

Hawak na ngayon ng pulisya ang isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Brigada News FM radio broadcaster Ed Dizon sa Kidapawan City noong Hulyo.

Sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court 12th Judicial Region Branch 61 ng Kidapawan City noong Setyembre 30, ipinaaresto sina Sotero Jacolbe Jr., alyas Jun Jacolbe, at John Does sa kasong murder.

Lunes nang sumuko si Jacolbe sa Kidapawan City Police para linisin ang kaniyang pangalan.

“Yung isang suspek na si Jun Jacolbe nag-surrender dito sa atin and based din ito doon sa warrant of arrest. Kahapon, nagkataon na nandito siya kaya nai-serve na rin natin upon surrender," sabi ni Lt. Col. Ramel Hojilla, hepe ng Kidapawan City Police.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media si Jacolbe.

Pero sa kaniyang pahayag nitong Lunes sa isang radio station, itinanggi niyang may kinalaman siya sa pagpaslang kay Dizon.

Samantala, may tracker team na ang pulisya para sa iba pang suspek.

“Mayroon na kami nakatutok na tracker team. Continuous effort to monitor kung saan whereabouts, mga kasamahan niya na kasama. ‘Di lang muna namin banggitin, in due time maaresto din," sabi ni Hojilla.

Hulyo 10 nang tambangan si Dizon sa Kidapawan City habang pauwi mula sa kaniyang radio program na Tira Brigada.

Ang kaso ni Dizon ay isa sa mga pinatututukan ng Philippine Task Force on Media Protection and Security.