Surprise! Guro, niregaluhan ng manok noong World Teacher's Day

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 08:20 PM

Tuwang-tuwa ang guro na si Claudine Talon ng regaluhan siya ng manok ng kanyang 8-anyos na estudyante na si Legazpi Guid Jr. Kuha ni Claudine Talon

GENERAL SANTOS - Maraming netizens ang natuwa sa social media post ng guro na si Claudine Talon ng Banwalan Primary IP School sa Barangay San Jose dito sa lungsod. 

Ipinagmalaki niya ang natanggap na regalo sa kanyang estudyante na isang native na manok sa kanilang World Teachers' Day celebration noong October 5.

"Wala 'yang flowers, chocolates, cakes and balloons niyo sa Native Manok ko! Thank you LEGASPI. Pinaka Happy Teacher si maam. It doesn’t matter how expensive or how cheap it is. It’s always the thought that counts. Happy Teachers' Day," ani Talon sa Facebook post.

Kwento ni Talon, hindi niya maipaliwanag ang kanyang naramdaman nang makatanggap siya ng kakaibang regalo mula sa 8-anyos niyang estudyante na si Legazpi Guid Jr.

"Hindi ako nag-expect, pero naiiyak ako nang tanggapin ko yong manok na regalo niya sa akin. Kasi sabi ng Papa niya, alaga talaga niya 'yong manok. Monday pa lang sinabi na niya sa Papa niya na yong mga classmate niya magbigay ng bulaklak tapos gusto niya hulihin 'yong isa sa alaga niyang manok para daw ibigay sa akin. Na-touch talaga ako," ani Talon.

Nagpatulong pa si Guid sa kanyang ama at ina para mahuli ang kanyang mga alagang manok. Hindi daw inasahan ng guro ito kay Legazpi dahil minsan na umanong sinabi ng bata na ayaw nitong maging guro si Talon.

"Kasi non-reader si Legazpi, pero talagang pinapabasa ko siya at everytime na may nababasa siyang tama, ina-appreciate ko talaga siya at nakita kong masaya siya kapag na-a-appreciate siya. Kaya kung dati madalas siyang absent, sa klase ngayon nakikita ko active siya sa klase," ani Talon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.