Hotel sa Makati nabuking na sex den, ika-4 na nabuwag mula Setyembre

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 03:48 PM | Updated as of Oct 08 2019 06:52 PM

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang hotel sa Makati na pugad umano ng prostitusyon para sa mga Chinese na nasa bansa, ang pang-apat na sex den na binuwag sa Metro Manila mula noong nakaraang buwan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 35 babaeng Chinese na ibinubugaw umano ang sinagip ng mga tauhan ng Makati police noong gabi ng Lunes sa pagsalakay sa hotel sa Barangay Poblacion.

Dalawampu't isang dayuhan, kabilang ang pinaniniwalaang mga empleyado sa industriya ng Philippine offshore gaming operator (Pogo), na itinuturong mga parokyano at 10 empleyado ng hotel ang inaresto.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng tip ang Makati police na may prostitusyong nangyayari sa hotel, ani Police Col. Rogelio Simon, hepe ng pulisya sa lungsod.

"Hindi sila tumatanggap ng Pinoy. Makakapag-book ka lang through online, dapat may mag-endorse sa'yo na nakakaalam ng transaksiyon," sabi ni Simon sa panayam ng ABS-CBN News.

Nasa P20,000 umano ang bayad sa kada babae at P3,000 bayad sa pagrenta ng kuwarto, ani Simon.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Ipinasara na rin ng pamahalaang lokal ng Makati ang hotel.

IBA PANG PAGSALAKAY

Ito ang ika-apat na pagsalakay at pagbuwag ng mga awtoridad sa mga sex den sa Metro Manila na target ang mga dayuhang kostumer, kadalasan umano ay mga Chinese.

"Primarily because of the increasing numbers ng Chinese dito sa atin," ani Simon.

"It goes lang na kapag dumami ang mga Chinese, lahat ng klase ng mga negosyo, business, entertainment nila dumadami rin," dagdag niya.

Isang bar sa Barangay San Antonio ang sinalakay noong Setyembre 30, kung saan nasagip ang 91 Chinese na babae at 4 Pinay.

Noong Setyembre 19, higit 50 Chinese na babae naman ang nasagip sa umano ay prostitution den sa condominium sa Parañaque.

Anim na babaeng Vietnamese naman ang nasagip sa pagsalakay sa umano ay prostitution den sa Makati noong Setyembre 4.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.