Ginang natagpuang tadtad ng saksak sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 04:59 AM | Updated as of Oct 08 2019 06:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang ginang sa kaniyang bahay sa Caloocan City Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Florinda De Bellon, 42 anyos.

Ayon sa pulisya, narinig ng mga kapitbahay na humihingi ng saklolo ang biktima alas-10 ng umaga.

"Narinig nila na sinabi na 'Wag mo ko patayin. Gawin mo na lahat sa'kin 'wag mo lang ako patayin kasi may anak ako,'" ani Police Capt. Herson Manegdeg ng Caloocan City police.

Nadiskubre ang krimen matapos ihatid ng tatay ni De Bellon ang apo sa bahay nila sa E. Castillo St., Barangay 31. Laking gulat na lang nito na duguan at wala nang buhay ang anak.

Walang forced entry na nakita sa bahay at wala namang nawalang gamit, indikasyon umano na hindi pagnanakaw ang motibo sa pagpatay.

Nahuli ng mga pulis sa Pasay City Martes ng madaling-araw ang isang 21 anyos na lalaki na sangkot sa krimen.

Tumanggi ang suspek na ginahasa niya ang biktima. Kapitbahay siya ni De Bellon.

"May bumulong sa'kin sabi tuluyan na. Pumasok ako, sinaksak ko," aniya.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.