Estudyante, patay matapos makuryente sa baha sa Davao

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 06:52 PM

DAVAO CITY - Isang lalaking estudyante ang patay matapos makuryente habang naglalakad sa baha sa Barangay Panacan dito sa lungsod Martes.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi si Laurence Siarot, 18, at habang bitbit ang sapatos, lumusong ito sa baha. Ngunit pagdaan nito malapit sa isang traffic light, bigla itong nakuryente at natumba. 

Sinubukan siyang isalba ng isang kapitbahay ngunit nakuryente rin ito. Sinubukan pang i-revive ang biktima at dinala sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa kapatid nito, pangarap ni Laurence na maging beterinaryo. 

Magdiriwang sana ng kaniyang 19 kaarawan ang biktima ngayong Oktubre 20 at magtatapos sa senior high school ngayong Marso.

Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima.

"Who is responsible for it, please be responsible now. Even though it's too late. However it's better if you come to us and negotiate or else we will whatever we wanted to do to get the justice that our brother is entitled for," ani Danie Vie Policarpio, kapatid ng biktima.

Una nang inireklamo na nangunguryente ang poste ng traffic light ngunit hindi inaksyunan.

"Nagpa-blotter ang isang kawani ng CTTMO (city transport and traffic management office) na na-report na ito sa contractor ng traffic light. Dahil kapag binababa niya ang plangka ng traffic light ay nakukuryente siya," ani Police Maj. Reuben Libera, hepe ng Sasa Police.

Ngunit ayon kay Davao CTTMO head Dionisio Abude, hindi siya nakatanggap ng report tungkol dito.

Huling ininspeksyon umano ang traffic light noong Setyembre 14 at walang nakitang depekto.

Iniimbestigahan ngayon ng CTTMO ang nangyari. Pinutol na ng lokal na pamahalaan ang linya ng kuryente ng street light at kinordon upang wala ng madisgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.