Mga suspek sa pananambang sa PDEA agents, kaanak umano ng lokal na opisyal

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2018 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

KAPAI, Lanao del Sur - Tukoy na umano ng pulisya ang mga suspek sa pananambang sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Biyernes.

Nitong Lunes, nagsagawa ng re-enactment ang mga pulis at PDEA Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa nangyaring pananambang.

Niratrat ang sinasakyang van ng mga PDEA agent matapos makalampas ang escort nitong patrol car ng mga pulis.

Nakaposisyon ang mga armado sa taas ng burol sa gilid ng daan. Isang armado rin ang bumaba at binaril sila nang malapitan.

Gumanti rin ng putok ang mga escort na ilang metro na ang layo sa ambush site.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ni-relieve na ang apat na escort ng PDEA at hepe ng Tagoloan II Municipal Police Station na si Inspector Judith Ambong.

Ayon kay Philippine National Police ARMM Director Senior Superintendent Graciano Mijares, pagganti ang motibo ng ambush dahil sa pagkakapatay ng isang "high-value target" noon sa Marawi. 

Tukoy na ang siyam na suspek at lahat umano ay mga kaanak ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay PDEA ARMM operations chief Cielito Llano, napagkamalan ang PDEA bilang PDEU o local anti-drug enforcement unit ng Provincial Police Office.

Mag-iimbestiga rin ang NBI upang matiyak na walang "white wash" na mangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.