17 anyos, huli sa pagtutulak umano ng droga sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2018 05:00 PM | Updated as of Oct 08 2018 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang isang menor de edad na isa umano sa mga suplayer ng marijuana sa Makati City, sabi nitong Lunes ng mga pulis sa lungsod.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng Makati police noong Biyernes ang bahay ng suspek na si alyas "Mike," 17 anyos.

Nakuha ng mga pulis sa operasyon ang isang bag na naglalaman ng 32 plastik ng marijuana, isang baril, at mga bala. 

Nagwala pa umano ang suspek at ang kaniyang kinakasama, at sinabing planted o tinanim ang ebidensiya.

Ikinasa ang paghuli kay "Mike" matapos siyang makuhanan sa isang surveillance video na nagre-repack ng marijuana.

Matagal nang binabantayan ng pulisya ang galaw ng suspek, na isa umano sa mga nagbebenta ng marijuana sa mga estudyante sa Makati, ayon kay Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Huminto na raw sa pag-aaral ang suspek at ginawa na umanong paghahanapbuhay ang pagbebenta ng ilegal na droga.

Pansamantala namang ibinigay ang suspek sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

Haharap siya sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.