Mga kontrabandong nakumpiska sa mga kulungan sa Region 10, sinira ng BJMP

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 09:53 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Sinira ng taga-Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga kontrabandong nakumpiska mula sa mga inmates sa iba-ibang bilangguan sa Region 10, Lunes ng umaga.

Kabilang sa mga nakumpiskang kontrabado ang mga cellphone, kitchen utensils, playing cards, sound system, at DVD players.

Maraming improvised bladed weapon din ang nakuha tulad ng gawa sa handle ng kutsara, pinatulis na toothbrush, lata, at bote.

"Alam ninyo naman very creative talaga ang mga persons deprived of liberty (PDL) natin sa loob. Pati ang mga dalaw. Marami silang paraan kung papaano itatago," sabi ni J/SSupt. Ester Pepito, regional director ng BJMP-10.

 

Dahil sa mga nakuhang kontrabando, mas hihigpitan pa ng mga bilangguan ang pag-inspect sa mga gamit na bitbit ng mga bisita ng inmates para masiguro na walang makapasok na ilegal na gamit.

Kabilang sa parusa sa inmates na nakuhanan ng kontrabando ang pagsuspinde sa kanilang pribilehiyo na tumanggap ng bisita. 

Ang mga tauhan naman ng BJMP na mahuhuling nakikipagsabwatan sa mga inmates para magpasok ng kontrabando ay agad na tatanggalin sa puwesto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.