Dating preso, patay sa buy-bust operation sa Davao City

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 11:28 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang drug suspect matapos mabaril ng mga pulis sa ikinasang buy-bust sa isang inn sa Piapi Boulevard, Davao City Lunes ng hapon.

Nakilala ang suspek na si Mico Ferrer, 20-anyos.

Bumunot umano ng baril si Ferrer nang mapansing pulis ang katransaksyon kaya napilitang barilin ng mga operatiba.

Anim na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P15,000 ang nakuha mula kay Ferrer.

Ayon sa Sta Ana Police, matagal nang pabalik-balik sa kulungan ang suspek dahil nasasangkot na ito sa mga riot at pagnanakaw mula noong menor de edad pa ito.

Napag-alaman ng mga otoridad na pumasok rin ito sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang pamilya ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.