3 dayuhan, tiklo sa Pasig City dahil sa marijuana

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 10:40 PM

Arestado ang 3 dayuhan sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service sa isang condominium unit sa Pasig City.

Nasamsam sa operasyon ang ilang sachet ng hinihinalang marijuana na may timbang na halos kalahating kilo at may market value na P60,000.

Narekober din ang dalawang bundle ng mga pekeng $100.

Isinagawa ng PDEA Special Enforcement Service ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 para sa isang alyas Godwin na hindi inabutan sa unit.

Pero naaresto ang isang Nigerian na kalalaya lang mula sa pagkakakulong sa La Union Provincial Jail dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bukod sa kaniya, nahuli ang isa pang Nigerian at isang Liberian na kasamang inabutan sa condo unit.

Ayon kay PDEA SES Director Levy Ortis, ang operasyon ay batay na rin sa reklamo ng ilang unit owners na laging maingay sa nasabing unit at umaalingasaw ang amoy marijuana mula sa loob.

Nakikita rin umano ang mga dayuhan na nag-aabutan ng mga kontrabando sa pool side ng condominium building.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.