2 umano'y holdaper, patay nang 'manlaban' sa Davao City

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 09:47 PM

DAVAO CITY - Patay ang dalawang hinihinalang holdaper matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Barangay 9-A, Davao City Lunes ng madaling araw.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagmamaneho umano ng motor ang isang 20 anyos na biktima nang tinabihan ito ng dalawang suspek na nakamotor din at tinutukan ng baril. Kinuha ng mga lalaki ang pitaka ng biktima.

Humingi ng tulong sa barangay ang biktima na agad namang nag-report sa nagpapatrolyang pulis.

Nagkahabulan pa hanggang sa matumba ang motor ng mga suspek sa Emerald Street. Una umanong nagpaputok ang mga suspek kaya gumanti ang mga pulis.

Dead on arrival sa Southern Philippines Medical Center ang suspek na si Rogelio Wenceslao at isang hindi pa nakikilalang kasamahan nito.

Narekober mula sa mga suspek ang isang baril, kutsilyo, pitaka ng biktima at isang sachet na may lamang marijuana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.