Pasahero nag-amok sa barko, nanaksak ng miyembro ng Coast Guard

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2018 06:01 PM

SIASI, Sulu -- Sugatan ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard matapos saksakin ng isang nag-amok na pasahero ng barko sa karagatan ng Sulu Biyernes.

Sa impormasyon mula kay Zamboanga City Coast Guard station chief Lieutenant Commander Noriel Ramos, nakatalaga ang ilan niyang tauhan bilang sea marshal sa barkong M/V Ever Queen.

Nagsasagawa ng inspeksiyon sa ticket ang crew ng barko nang biglang sinaksak ng pasaherong si Juldi Mahbud ang isang sea marshal ng barko.

Dahil dito, binaril ng dalawa pang sea marshal si Mahbud na agad nitong ikinamatay.

Nagtamo ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang sea marshal. Kinailangan ring bumalik ng barko sa Siasi para madala sa ospital ang sugatang sea marshal.

Nasa maayos nang kalagayan ang sea marshal at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Zamboanga City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.