'Itogon, di dapat tirhan o pagminahan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2018 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong porsiyento lang ang maaaring tirhan o pagtayuan ng estruktura sa Itogon, Benguet, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Cordillera. 

Delikado umano para sa mga residente ang karamihan sa mga lugar sa Itogon, ayon sa DENR-Cordillera Administrative Region (CAR). 

Mayroon lamang 15 porsiyento na maituturing na "alienable and disposable." Ibig sabihin, sa 1.8 miillion hectares, 1.5 million ang forest land, at 300,000 hectares lamang ang alienable and disposable land.

"'Yan 'yung puwedeng patitulohan lang because dito sa mga areas na ito, 'yan yung mga mababa ang slope... at safe sa mga taong magbahay dito," ayon kay Director Ralph Pablo ng DENR-CAR. 

Inirekomenda na ng Mines and Geosciences Bureau na permanenteng paalisin ang nasa 700 pamilya sa sampung sitio ng Itogon.

Nitong Sabado, muling kinausap ng Department of Social Welfare and Development ang mga residente. 

Pero atubiling umalis ang iba lalo at wala pa silang malilipatan.

"Matagal na kami doon. Ngayon lang dumating 'yung Ompong. Doon na kami aalis," ani Edith Gapungli, isang residente. 

Nag-aalala naman para sa mga batang nag-aaral ang isa pang residente. "Paano 'yung mga bata, nag-aaral? Paano ang kabuhayan doon?" sabi ni Nida Legaspi. 

Puspusan na ang operasyon laban sa mining ng DENR, kasama ang mga katuwang na ahensiya, para matigil ang ilegal na pagmimina sa lugar. 

Nitong umaga ng Linggo, higit 200 tauhan ng Philippine National Police, Philippine Army, at DENR ang na-deploy sa Itogon para ipatupad ang kautusan ng gobyerno na nagbabawal sa small-scale mining sa bayan. 

Bibisitahin ng grupo ang 1,185 "adits" o mining tunnel sa bayan. Babantayan din nila ang mga gold processing facility.

Sasampahan ng mga kaukulang kaso ang mga mahuhuling lalabag, ayon sa DENR. 

Sa Barangay Supang nitong umaga ng Linggo, isang binatilyo ang hinuli nang maaktuhang naggo-gold panning o nagsasala ng ginto.

Pero pinakawalan din ang binatilyo dahil menor de edad at negatibo ang lumabas sa assay testing o ibig sabihin ay wala siyang nakuhang mineral. 

Sa ngayon, umaasa ang mga residente na maaprubahan ang kanilang aplikasyon sa "minahang bayan" na magbibigay sa kanila ng pahintulot na makapagmina ulit. 

Ipinag-utos ang pagbabawal sa pagmimina sa Cordillera noong nakaraang buwan dahil sa serye ng mga landslide o pagguho ng lupa matapos manalasa ang bagyong Ompong.

Sa Itogon, nasa 89 ang nasawi dahil sa mga pagguho ng lupa, kabilang ang ilang minero at ang kanilang mga pamilya.

--Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.