TINGNAN: Mga nasirang ari-arian dahil sa bumigay na water tank sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 03:14 PM | Updated as of Oct 07 2017 03:49 PM

Isang araw matapos ang malagim na pagbigay ng dambuhalang water tank sa San Jose Del Monte, Bulacan, nagdatingan na ang iba pang hanay ng awtoridad upang imbestigahan ang tunay na sanhi ng insidente.

Dumating ang ilang miyembro ng Philippine National Police-Explosive Ordnance Division (PNP-EOD) upang alamin kung may bakas nga ba ng kahit anong uri ng pampasabog ang bumigay na tangke. 

Nauna nang sinabi ni Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte Police, na titingnan nila ang anggulo ng pambobomba dahil wala naman daw kakaibang nakita bago ang nangyaring pagbigay.

Ang mga residente naman, kaniya-kaniyang diskarte kung papaano maisasalba ang mga nasirang ari-arian.

Halos hindi na rin makilala ang mga sasakyan ng ilang residente dahil sa pagka-yupi sanhi ng pagtilapon. 

Sa kabuuan, apat ang nasawi at mahigit 40 ang sugatan sa bumigay na water tank ng San Jose Del Monte Water District.


--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.