SOCO: Masahista natagpuang patay, nakagapos sa bakanteng lote sa Lipa

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 02:44 PM

 

MAYNILA — Nakahandusay, nakasubsob, at nakagapos nang matagpuan ang bangkay ng 33 anyos na lalaki sa isang bakanteng lote sa Lipa City, Batangas noong Agosto 6, 2019.

Kinilala ang biktima na si Patrick Jones Nadera o PJ, isang rehistradong massage therapist.

Sa isinagawang postmortem examination, natukoy na "multiple gunshot wounds to the head and neck" ang direktang ikinamatay ng biktima.

Nakitaan din ng mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Nadera. Ayon sa mga sumuring doktor, posibleng palatandaan ito na pinahirapan muna si Nadera bago tuluyang pinaslang.

Ayon sa mga kapamilya ni Nadera, wala silang makitang dahilan para sapitin niya ang krimen.

"Simple lang naman pangarap niya. Makapagtrabaho siya na susuweldo siya, mairaos niya lang 'yung araw. Simpleng tao lang siya. Hindi ko siya nakikitaan ng luho. Basta magtrabaho siya ma-survive niya 'yung day,” paglalarawan ni alyas "Myra," pinsan ng biktima.

"Hindi ako makapaniwala na sasapitin niya 'yun. Alam ko sa kaniyang edad, hindi dapat siyang pinatay. Hindi deserving si PJ na patayin," sabi naman ni alyas "Dante," tiyuhin ni Nadera.

Nakakuha naman ang mga awtoridad ng ilang testimonya mula sa mga roommate at katrabaho ni Nadera.

"Siya ay napagbintangan na di umano ay nagnanakaw doon sa isang construction site dito rin sa Barangay Sabang sa Lipa City,” ani Police Maj. Rameces de Castro ng Lipa City police.

Sundan ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang SOCO sa Facebook at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.