Dalagitang pauwi mula paaralan patay nang masagasaan sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 03:27 PM

POTOTAN, ILOILO - Patay ang isang 13 anyos na dalagita matapos masagasaan ng isang van habang pauwi sa kanilang bahay sa bayan na ito. 

Kabababa lang ng bus ng dalagita at tumawid sa highway sa Barangay Cahiguikican nang mabangga ng isang L300 van, dahilan para tumilapon ang biktima. 

Agad na dinala ang bata sa ospital pero idineklara itong dead on arrival. 

Lumalabas sa imbestigasyon ng Pototan Municipal Police Station na dumiretso sa pagtawid ang biktima at hindi nito napansin ang paparating na van.

Posible ring mabilis ang pagpapatakbo ng van dahil sa lakas ng pagkabundol sa biktima.

Sumuko naman kaagad ang 35 anyos na driver ng van na isang government employee. 

Dagdag pa ng awtoridad, accident-prone ang nasabing lugar lalo na kung gabi dahil madilim ang kalsada at walang streetlights sa gilid ng national highway.

Nakipag-areglo na sa pamilya ang kampo ng driver at sasagutin nito ang pagpapalibing sa bata. 

-- Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.