'Pagpupuwesto' sa mga dating militar, ikinabahala ng ilang sektor

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2018 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nababahala ang isang political analyst at ilang taga-oposisyon sa dumaraming bilang ng mga dating taga-militar sa mga sibilyang posisyon sa gobyerno.

Nitong Huwebes lamang sa hapunan ng Philippine Military Academy Alumni Association sa Palasyo ay inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang magreretirong hepe ng Philippine Army na si Rolando Bautista ang susunod na kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa bilang ng grupong Bayan Muna, pang-60 na si Bautista sa mahabang listahan ng mga dating sundalo sa administrasyong Duterte.
    
Nababahala tuloy ang isang political analyst na magamit ng militar ang DSWD.

"Remember that this military is still fighting a communist insurgency...Whether or not the military factor in the conduct of work of DSWD will be seen, I think that's the more disturbing one," ayon kay University of the Philippines political science professor Aries Arugay.

(Alalahanin natin na ang militar ay nakikipaglaban pa sa komunismo. Kung madadamay ito sa magiging trabaho ng DSWD, iyon ang mas nakababahala.)

Kaya panawagan ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin, kilatising mabuti si Bautista.

"[This appointment] I think should be thoroughly looked into lalong lalo na ng Commission on Appointments at talagang tingnan kung meron ba talagang basis why an ex-general should head an agency na historically civilian dapat ang head," giit ng kongresista. 

(Dapat tingnang mabuti ito lalo na ng Commission on Appointments, at tingnan kung may basehan na isang dating heneral ang mamumuno ng ahensiya na sa kasaysayan ay sibilyan ang namumuno.) 

Sabi naman ng mga kakampi ng Pangulo, hindi ito masisisi kung puro retired military men ang iuupo dahil kilala raw ang mga sundalo sa disiplina at galing.

"Military men are disciplined, highly-trained and educated, and know how to motivate people," ani Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

(Ang mga militar ay disiplinado at edukado at alam nila kung papaano manghikayat ng mga tao.)

"I don't look at people on the uniform they are wearing. I look on people on their ability to serve based on their performance and competence," ayon naman kay Quezon City Rep. Winston Castelo.

(Hindi ko tinitingnan ang unipormeng suot ng tao bagkus ay ang kanilang kakayahang maglingkod at kagalingan ang aking kinikilatis.)

Mag-uumpisang manungkulan sa DSWD si Bautista sa Oktubre 15.
 
—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.