Daan-daang kilo ng carabao meat, nakumpiska sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2018 05:18 AM

MAYNILA - Kinumpiska ng mga awtoridad ang nasa 800 kilo ng karne ng kalabaw matapos umanong tangkang ipuslit sa ibang palengke sa Quezon City.

Nagkakahalaga ang karne ng nasa P160,000.

Ayon kay Dr. Rolando Marquez ng National Meat Inspection Board (NMIS), nagsasagawa sila ng routine inspection sa Balintawak Market nang makitang ibinababa na ang karne. 

Nang silipin ang permit, napag-alaman na dapat sa palengke sa may Blumentritt ito ibinabagsak at hindi sa Balintawak.

Paglabag umano ito sa Meat Inspection Code of the Philippines dahil lumitaw sa karagdagang permits na ipinakita na hindi accredited ng NMIS ang delivery truck na ginamit. 

Nakalagay rin sa permit na bawal sila tumawid sa ibang lugar at tanging sa Maynila lang dapat sila naghahatid ng mga karne.

Depensa naman ni alyas Gold, may-ari ng delivery truck, nakasarado pa ang puwesto nung pagbibigyan sana nila ng karne sa Blumentritt kaya dumaan na muna sila ng Balintawak. 

Iginiit niya na hindi naman nila ibinaba ang karne ng kalabaw sa naturang pamilihan.

Gayunpaman, dadalhin muna ang mga nakumpiskang karne sa opisina ng NMIS habang isinasagawa ang imbestigasyon. 

Sakaling mapatunayan na talagang ipinupuslit nila ito sa ibang pamilihan ay papatawan sila ng penalty na hindi bababa sa P50,000 sa unang opensa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.