13 batang trabahador, nasagip mula sa planta ng basura

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2018 09:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ng awtoridad ang 13 menor de edad na sapilitan umanong pinagtatrabaho bilang tagahiwalay ng mga basura sa isang recycling plant.

Pinasok ng National Bureau of Investigation (NBI) International Operations Division ang naturang planta kung saan na-rescue ang mga bata, na nasa edad 8 hanggang 15 taong gulang.

Pumayag magsalita ang isa sa mga biktima at aniya, mga anak at kapatid sila ng mga stay-in na empleyado. 

Sinabihan umano sila ng may-ari na kailangan din nilang kumayod sa planta upang hindi mapalayas.

“Kung ayaw daw po magtrabaho, umalis na raw kasi pampasikip lang,” kuwento ng biktimang si alyas "Anne."

Nagkaroon pa raw ng insidente na naaksidente ang isa sa mga menor de edad na manggagawa.

“Naputol 'yung daliri no'n, pinagamot naman po pero pagkatapos ng dalawang linggo pinagtrabaho ulit,” hinaing ni Anne. 

Wala rin umanong suot na guwantes at mask ang mga empleyado at mga bata sa pagkakalkal ng mga basura. 

“Tuwing nagkakasakit kami wala man lang pakonsuwelo na gamot. Nabutas ang leeg ng isa naming kasama, hindi man lang nagbigay ng tulong pinansiyal,” giit ni Anne. 

Pero nang magreklamo raw sila sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinanggal daw sila sa trabaho.

“Ginigiit lang namin ang karapatan namin tapos sila pa po 'yung nagalit,” ayon kay Annie. 

Itinanggi naman ng pamunuan ng kompanya ang mga paratang.

“Mga tamad sila, gusto lang nila kumita,” ani Justin Co, manager ng Ever Fortune Recycle Corp.

Ayon sa NBI, malinaw na kaso ito ng human trafficking at child abuse.

“Hindi issue dito 'yung consent, kasi sinamantala dito ang kahinaan nila,” ani NBI spokesperson Ferdinand Lavin. 

Iniimbestigahan na rin ng DOLE ang naturang planta kung may iba pa silang nilabag na batas. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.