Pinakamatandang patrol ship ng PH Navy, ipinagretiro na

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 11:29 AM

MAYNILA - ‭Tuluyan nang nagretiro sa serbisyo ang pinakamatandang fighting ship ng Philippine Navy na BRP Cebu o PS28.‬

‭Sa isinagawang decommissioning ceremony ng Philippine Navy sa pantalan ng Captain Salvo sa Naval base sa Cavite, pormal nang nagretiro ang BRP Cebu matapos ang 71-taong pagpapatrolya sa karagatan ng bansa at pagseserbisyo sa tropa ng Philippine Navy.‬

‭Ang BRP Cebu ay isang patrol ship ng Philippine Navy na dating USS warship ng United Stated Navy noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.‬

‭Nailipat ito sa Philippine Navy noong Hulyo 1948 at pinangalanang RPS Cebu.‬

‭Kabilang sa mga naging malaking accomplishment ng BRP Cebu ay ang pagsasagawa ng search and rescue operations sa mga sakay ng lumubog na MV ‭Princess of the Stars ng Sulpicio Lines sa karagatang sakop ng San Fernando, ‭Romblon sa kasagsagan ng bagyong Frank noong Hunyo 22, 2008. ‬
‭ ‬
Sa decommissioning ceremony na pinangunahan ng‭ commander ng Philippine Fleet na si Rear Adm. Giovanni Carlo J. Bacordo, nagpahayag ito ng kalungkutan sa pagreretiro ng BRP Cebu pero sinabi niya masaya sila dahil magbibigay-daan naman ito sa pagpasok ng mga bagong assets ng Philippine Navy bilang bahagi ng kanilang patuloy na modernization.‬

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.