Pagpapatrolya pinaigting laban sa ‘Bunal Squad’ sa Davao

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 10:23 AM

Nagpapatrolya ang mga pulis para matiyak na hindi na maulit pa ang pag-atake ng "Bunal Squad" sa Davao City. Andoreena Causon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Sinuyod ng mga pulis ang mga eskinita ng Barangay 76-A at Sasa, Huwebes ng gabi upang ipatupad ang curfew at bantayan ang posibleng pag-atake muli ng “Davao Bunal Squad” na inireklamo ng pamamalo ng mga residenteng nakatambay sa kalsada.

Nagtalaga ng 100 pulis ang Police Regional Office 11 upang tumulong sa Davao City Police laban sa naturang grupo.

Mapapansing tahimik na ang lugar at iilan na lang ang lumalabas ng bahay.

Ayon sa mga magulang, takot silang mabiktima ang kanilang mga anak ng mga namamalo kaya maaga nilang pinapatulog ang mga bata.

Sa Barangay 76-A, nasagip ng mga nagpapatrolyang pulis ang 11-anyos na batang lalaki matapos mahuling gumagamit ng solvent sa madilim na bahagi ng Bilusa Street.

Agad siyang ibinigay sa pangangalaga ng Women and Children’s Protection Desk ng San Pedro Police. Apat na beses nang narescue ang menor de edad dahil sa paggamit ng solvent.

Tiniyak ng Davao City Police Office (DCPO) na walang dapat ikabahala ang mga residente dahil puspusan ang kanilang pagpapatrolya.