Libo-libong commuters naparalisa sa tigil-operasyon ng LRT-2

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 03:24 PM | Updated as of Oct 04 2019 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Perwisyo ang bumati sa libo-libong commuters nitong Biyernes dahil sa pansamantalang tigil-operasyon ng Light Rail Transit-Line 2 (LRT-2) matapos masunog ang bahagi ng riles nito noong Huwebes.

Sa Katipunan Avenue, Quezon City, unahan ang mga commuter sa pagsakay sa jeep at nakikipagpatintero pa sa kalsada makarating lang sa mga trabaho at paaralan. 

Sabi pa ng iba, nagulantang sila dahil hindi daw nila alam na walang biyahe ang LRT-2 ngayong araw.

"Hindi ko po nalaman," ani Alejandro Venezuela.
 
"Mag-abiso po [sana] sila," ayon naman kay Dominic Tinaza. 

Tanghali ng Huwebes nang magliyab ang bahagi ng riles ng LRT-2 sa may Katipunan station. Ayon sa pamunuan ng linya, posibleng nag-short circuit ang kanilang 2 rectifier. 

Maihahalintulad ang rectifier sa transformer na kumokontrol sa daloy ng kuryente.

Tinatayang nasa 200,000 tao kada araw ang gumagamit ng naturang tren.

Huwebes ng gabi nang i-anunsiyo ng LRT-2 na hindi muna sila makakabiyahe dahil hindi pa nila matiyak ang integridad ng linya. 

 AGAPAY

Bilang tulong sa commuters, nagpakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga bus panghalili sa nasirang linya ng tren.

"Please be advised that a FREE bus ride from @MMDA will be ready to service passengers from the Santolan footbridge to bring them to Cubao area. Have a safe trip," sabi ng LRT-2 sa kanilang social media account. 

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Inanunsiyo naman ng pamunuan ng LRT-2 na posibleng bumilang pa ng 9 na buwan bago maibalik sa normal ang operasyon ng LRT-2.

Imposible pa daw maging operational ang Santolan, Katipunan, at Anonas stations dahil doon nangyari ang pinsala. 

Para makumpuni, kailangan pang iangkat mula sa ibang bansa ang mga materyales para sa nasirang mga rectifier. 

Pero target naman ng LRT-2 na magkaroon na ng partial operation sa Lunes o Martes. Tatakbo lang ang linya mula Cubao hanggang Recto station at vice versa. 

Panawagan naman ng commuters na si Marvin Madiclum: "[Sana] mabilis na masolusyunan."


—Ulat nina Doris Bigornia, Zhander Cayabyab, at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.