Lalaking tumatawid sugatan nang mahagip ng kotse

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 12:06 PM

Sugatan ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos na mabangga habang tumatawid sa MV Patalinjug Avenue, Pajo, Lapu-Lapu City, Huwebes ng gabi.

Ayon sa Lapu Lapu City Police Office Station 3, biglang tumawid ang lalaki habang naka go signal. Sa pedestrian lane siya tumawid papunta sana sa kabilang lane pero hindi na siya umabot.

Nalagpasan na rin niya ang ang isang sasakyang dumaan pero ‘di namalayang may kotse palang katabi ito na siyang nakabangga sa biktima.

Naitakbo agad sa pagamutan ang biktima at patuloy pang inoobserbahan.

Inaalam din ng awtoridad ang kaniyang pagkakakilanlan.

Samantala, nakilala naman ang driver na nakabangga sa biktima na isang public school teacher sa Cebu City.

Ayon sa guro, aksidente ang nangyari.

Kasama niya ang 3 niyang mga anak nang mangyari ang aksidente. Galing sila sa paaralan sa Cebu City at pauwi na sana sa Lapu-Lapu City.

"Hindi ko talaga siya nakita. Eksakto lang ang takbo ko. Naka-brake pa nga ako pero hindi na nakaya pa," sabi ng guro.

Nangako namang sasagutin ng guro ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.