Guro sa likod ng ‘TulaKaalaman’ muling pinarangalan

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 06:32 PM

COTABATO CITY – Muling nabigyan ng parangal ang isang guro dito sa siyudad sa kaniyang kakaibang paraan ng pagtuturo na tinawag niyang “TulaKaalaman.”
 
Isa si teacher Sadat Minandang sa kinilala bilang Outstanding Teachers sa Southeast Asia ng Princess Maha Chakri Awards ng bansang Thailand dahil sa kaniyang pag-iikot sa mga komunidad para makapagturo gamit ang kariton. 

Layon niyang maabot ang mga batang kabilang sa pupils at risk of dropping out at mga batang hindi nakapag-aral.

“Andaming reason…kahirapan, no permanent address, naalala ko ang ginawa ni Efren Peñaflorida, 'yung kaniyang Kariton Classroom, tinawag kong TulaKaalaman to reach the unreached children. Naglalaman ng alternative delivery mode, may water hygiene and sanitation [lessons] at psycho-social intervention para sa ‘education in emergency’,” sabi Minandang.

Noong nakaraang linggo, bumisita mismo sa Cotabato City ang mga kinatawan mula sa bansang Thailand.

Anim na taon pa lang sa pagiging guro si Minandang pero sunod-sunod na ang mga nakuha niyang parangal at pagkilala.

Taong 2017 nang itinanghal siya bilang Outstanding Elementary Teacher ng Region 12. Pinangalanan naman siyang Ulirang Guro ng Rehiyon 12 ng buong Mindanao noong taong 2018.

Naging national finalist rin siya para sa Ulirang Guro Award.

Taong 2017 pa nang simulan ni Minandang ang TulaKaalaman gamit ang isang kahoy na kariton. Ngayong taon, muli siyang nagsimula gamit ang steel cart laman ang iba’t ibang learning materials.

Dati nang natigil sa pag-aaral ang Grade 3 student na si Norhainie Bilao. Pero sa tulong ng TulaKaalaman, nakumbinsi siya at kaniyang mga magulang na muling mag-aral.

"Dahil kay Sir Sadat, tinulungan niya ako at sa kaniyang TulaKaalaman, tinulungan nila akong bumalik sa pag-aaral. Masaya talaga dito. Natutong magbasa at magsulat," sabi ni Bilao.

"Sa kabila ng kanilang kahirapan sa buhay nakita mo 'yung mga bata na may edad na pero nandoon lang sila sa bahay, ‘di nag-aaral. Kailangan bigyan ng pansin, kahit isa dalawang bata napakalaking tulong na nun," sabi ng guro.

Kasalukuyang school guidance coordinator sa Amirol Elementary School sa lungsod si Minandang. Nagtuturo rin siya ng Araling Panlipunan.

Proud naman ang kaniyang mga kasama sa paaralan sa kaniyang bagong natamong pagkilala.

“Masaya ako at overwhelming ang feeling. Dinala namin 'yung award niya, isang maliit na school tapos kami nag-represent sa national award. Suportado ko ang endeavor ni Sadat dahil ang tagumpay niya ay tagumpay naming lahat," sabi ni Marietta Lacson, head ng Amirol Elementary School.

Maliban sa pagtuturo sa mga bata, namimigay rin ng libreng school supplies, tsinelas at nagsasagawa ng feeding si Minandang sa tulong ng City Schools Division Office at lokal na pamahalaan ng Cotabato City.

Makatatanggap si Minandang ng $10,000 mula sa Princess Maha Chakri award na gagamitin niya umano sa pagpapatuloy ng TulaKaalaman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.