Bisperas ng World Teachers' Day sinalubong ng protesta para sa taas-sahod

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sama-samang nagkilos-protesta ang mga guro sa iba’t ibang panig ng bansa para ipanawagan ang pagtaas ng sahod sa bisperas ng World Teachers' Day ngayong Biyernes.

Nananawagan sila na itaas ng hanggang sa P30,000 ang sahod ng Teacher 1 sa pampublikong paaralan.

Umaga pa lang, nagprotesta na ang grupo ng Alliance of Concerned Teachers at iba pang mga guro sa Maynila. Mula sa paaralan, nagmartsa ang ilan hanggang sa Mendiola para madala doon ang kanilang mga panawagan.

Muling nag-human chain ang mga guro ng "30-K" na naglalarawan ng gusto nilang sahod.

Kasama sa mga umaaray sa mababang suweldo ng guro si Annalou Ariola ng Malabon sa hindi sapat na P21,000 na kita kada buwan.

"Ngayong sa panahon na ito ang hirap ng buhay nagtaasan ang bilihin dati dati kapag nag-go- grocery ang isang libo ko dati dalawang plastic mabibitibit ko pa, ngayon ang isang libo isang plastic ilan lang,” aniya.

Ayon kay Joy Martinez, pinuno ng ACT sa Metro Manila, hindi sasapat ang P31 bilyong inilaan ng DBM sa kanilang panawagang target sa taas-sahod.

Lumalabas aniya na P49 kada araw lang ang madadagdag sa sahod ng guro.

"Hindi sasapat ang 31 billion na nilaan ng DBM (Department of Budget and Management). Aabot lang ito sa P49 across the board every day, kakainin lang ng TRAIN tax ang P49," ani Martinez.

Umaasa ang mga guro na kahit kaunti na marinig ng gobyerno ang kanilang panawagan.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.