2 whistleblower sa umano’y ‘ghost claims’ sa PhilHealth, arestado

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 12:02 AM

MAYNILA - Nasa kustodiya ng Quezon City Police District ang dalawang dating empleyado ng WellMed Dialysis Center na nagbunyag sa umano'y ghost claims ng clinic sa PhilHealth.

Sa bisa ng mga warrant of arrest mula sa Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 34, inaresto sina Liezel Aileen de Leon at Edwin Roberto sa magkahiwalay na lugar sa Barangay Nova Proper sa Novaliches, Quezon City, Huwebes.

Nahaharap sina De Leon at Roberto sa mga kasong swindling o estafa, falsification of public employee o notary of ecclesiastic minister, at falsification by private individual and use of falsified documents.

May inirekomendang piyansang P612,000 ang korte para sa pansamantalang paglaya ng mga suspek.

Hunyo nang kasuhan ng Department of Justice sina De Leon, Roberto at co-owner ng Wellmed na si Bryan Sy dahil sa maanomalyang dialysis claims.

Agosto nang ibasura ng QC Regional Trial Court Branch 219 ang mga kaso dahil sa kawalan ng jurisdiction.

Muli itong isinampa ng DOJ sa MTC matapos maibasura sa RTC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.