Higit P15-milyong halaga ng ilegal na droga nasamsam sa NAIA

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2018 04:12 PM

MAYNILA - Higit P15-milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nai-turnover Huwebes ng umaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, kabilang sa mga nasamsam ang halos 2 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P14 milyon at P1.5-milyong halaga ng valium at mogadon party drugs.

Hindi pa matukoy ang halaga ng mga nasamsam na marijuana. 

Ang narekober na mga ilegal na droga ay natuklasan sa limang package na dumating sa warehouse ng Central Mail Exchange Center at FedEx.

Nakuha ang mga shabu sa loob ng isang pangmasahe sa paa mula Thailand, frame ng santo mula Africa, at isang liham.

Natuklasan naman ang halos 70,000 tableta ng valium at mogadon sa loob ng parcel na inihalo sa mga damit at laruan galing Pakistan.

Bukod dito, natuklasan din ang 48 oil ampules at 12 plastic container ng jelly marmalade na may lamang marijuana sa isang padala na deklaradong boxing gloves at football jersey.

Nakapangalan sa iba’t ibang consignee mula sa Caloocan City, Angeles City, Ilocos Norte, Cotabato City at Las Piñas City ang mga droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.