3 naaktuhan na 'nangangatay' ng kotse sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2018 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng mga pulis ang tatlong lalaking naaktuhang nagcha-chop-chop o pinaghihiwalay ang mga bahagi ng isang sasakyan sa Angat, Bulacan.

Sinalakay noong Martes ng mga pulis ang isang compound sa Barangay Encanto matapos makatanggap ng tip na may nangyayari nga roong pag-chop-chop ng sasakyan.

Bumungad sa mga pulis ang mga kinatay na kaha ng SUV. 

Sa likuran naman ng isang delivery truck natagpuan ang mga piyesa, na ayon sa pulisya ay posibleng nakatakdang i-deliver.

"Wala silang maipakitang permit na sila ay puwedeng mag-dismantle ng sasakyan at wala silang maipakitang papel ng sasakyan," ani Chief Inspector Isagani Santos, hepe ng Angat police.

Depensa naman ng mga naaresto ay napag-utusan lang sila.

"Hindi ko alam kung nakaw o hindi po ['yong sasakyan] kasi po sabit lang talaga po kami," sabi ng isa sa mga naaresto.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Philippine National Police-Highway Patrol Group at Land Transportation Office para maberipika kung sino ang mga may-ari ng mga chop-chop na sasakyan.

Pinaghahanap na rin ang mga personalidad na umano ay nag-utos sa mga nahuling suspek.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.