PDEA chief ibinuking kung paano 'namagitan' si Albayalde para sa 'ninja cops'

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umamin si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. Gen. Aaron Aquino na pinapipigil sa kaniya ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde ang pagpapatupad sa dismissal order laban sa mga inakusahang 'ninja cops' noong 2013.

Naungkat kasi sa pagdinig ng Senado ang kontrobersiyal na drug raid noong 2013 kung saan nasangkot sa "agaw-bato" modus ang ilang miyembro ng Pampanga police, na dating pinamumunuan ni Albayalde. 

Ayon sa lumang report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), puno ng iregularidad ang operasyon dahil kulang-kulang ang idineklarang nasamsam na droga. Bigla rin umanong nakabili ng magagarang sasakyan ang mga pulis na nagpatupad ng raid.

Kalaunan ay kinasuhan ang 13 pulis na nasa drug raid pero pagbubunyag ni Aquino, na noo'y hepe ng Central Luzon police, kinausap siya ni Albayalde para huwag ipatupad ang dismissal order sa kaniyang mga dating tauhan.

"I wish to explain that my statement.. is the truth.. He (Albayalde) also added [during the call] – 'Sir baka puwedeng huwag mo munang i-implement ang order...' [Sabi ko] 'Bakit Oca?' 'Kasi mga tao ko sila [sabi niya]... Then I answered, 'ipare-review ko to at ipatatapon ko mga tao mo sa Mindanao,'" pagbubunyag ni Aquino.

Si Albayalde naman, muling minaliit ang epekto ng pagtawag niya noon kay Aquino.

"Kaya po maliwanag po dito na hindi naimpluwensiyahan si Gen. Aquino... Dahil 'yung desisyon po diyan ay partially granted," ani Albayalde. 

Nakatakdang magretiro si Albayalde sa Nobyembre pero nanindigan itong wala siyang balak magbitiw sa kabila ng mga kontrobersiya. 

—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN Newss

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.