Barangay officials nanganganib masuspinde kaugnay ng road clearing

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga chairperson at iba pang opisyal ng barangay ang delikadong masuspinde kaugnay ng pagsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang mga obstruction sa mga kalsada, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa oras na mailabas ang resulta ng assessment kaugnay ng road clearing, posibleng may mga maparusahang mga opisyal ng barangay na patuloy na pinapayagan ang mga obstruction sa kalsada, ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia.

Maganda naman daw ang ipinakita ng mga alkalde sa pag-alis ng mga road obstruction.

"Ang bola ngayon, ibabato natin sa hanggang chairman na, sa mga barangay captain," ani Garcia.

"Kung may sasampulan tayo, simulan natin sa mga barangay," aniya.

Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG), magiging patas sila sa pag-evaluate kung sumunod ang mga opisyal sa direktiba ng pangulo.

"We will be fair in the evaluation," ani Interior Undersecretary Epimaco Densing.

Kumpiyansa naman ang mga alkalde ng Metro Manila na pasado sila sa clearing operation.

"Basta kami ginawa namin ang trabaho namin, ginawa namin ang dapat," ani Caloocan Mayor Oca Malapitan.

"'Yong paglinis natin, nagkaroon kami ng formal turnover sa barangay... Nag-comply po 'yong aming mga barangay," ani Parañaque Mayor Edwin Olivarez.

Natapos noong Setyembre 29 ang 60-day deadline na ibinigay para maalis lahat ng obstruction sa mga kalsada, gaya ng mga ilegal na istruktura at mga nakaparadang sasakyan, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.