4 na bata sa Cagayan Valley na may sintomas ng polio, inoobserbahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 12:14 AM | Updated as of Oct 05 2019 04:33 AM

TUGUEGARAO CITY, Cagayan—Inoobserbahan ng mga awtoridad sa Cagayan Valley ang 4 na bata dahil sa hinihinalang kaso ng polio.

Ito ay batay sa isinagawang disease surveillance kung saan natuklasan na nakararanas ang mga bata ng acute flaccid paralys, isang karamdaman na ang sintomas ay katulad sa polio.

"Sila'y nagkakaroon ng sudden weakness o kaya ay paralysis.. kinuhanan ng stool, tapos yung stool eeksaminin kung meron talaganh polio virus. yung isa kasi dun nakareceive ng 3 doses ng polio vaccine, yung isa naman ay isang dose lang, yung dalawa wala kaming nakita record so unknown pa yung kanilang status," ani Dr. Rio Magpantay, director ng Department of Health (DOH) Cagayan Valley.

Unang nang nagnegatibo sa poliovirus ang 9 bata na ineksamin din.

"Sa ngayon, polio-free ang rehiyon 2. Mga lokal na gobyerno ang talagang dapat gumawa ng paraan din para mabamunahan lahat ng elligible children. nandiyan naman yung vaccine, nandiyan naman yung tao, mga nanay ng bata ay willing so wala tayong excuse na hindi sila bakunahan lahat," ani Magpantay.

Halos 63 porsiyento lang ng mahigit 95,000 bata sa Cagayan Valley ang fully immunized.

Ikinabahala ito ni Cagayan Board Member Maila Ting-Que kaya nagpasa siya sa Cagayan Provincial Board ng panukalang ordinansa para maging puspusan ang aktibidad at mapondohan ang immunization program.—Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.