'Nagpakilalang anak ni Marcos,' timbog sa investment scam

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 08:49 PM | Updated as of Oct 03 2018 10:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking nagpanggap umanong anak sa labas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos para makapanggantso.

Dinampot ng NBI Anti-Fraud Division sa isang hotel noong Huwebes si Romeo Ajedo matapos tanggapin ang P800,000 ng biktimang si alyas "Cherry," na pang-invest o puhunan sana sa proyektong alok ng suspek.

Kuwento ni "Cherry," nagpakilala si Ajedo bilang anak sa labas ni Marcos. 

Bilang panganay, may access daw siya sa umano ay tagong yaman ng mga Marcos at ipapasok niya ito sa mga proyekto para sa mga mahihirap.

Nakumbinsi umano ni Ajedo ang siyam na biktima na mag-invest sa kaniya ng P2 milyon para mailabas sa bangko ang umano ay pera ng mga Marcos.

"Wala akong kaide-ideya sa scam. Noong na-meet ko siya na nagsabing let's help the government, let's fund for the poor people, naniwala ako," ani "Cherry."

Alam din daw ni Ajedo kung nasaan ang estatwang Golden Buddha at awtorisado rin daw siyang mag-imprenta ng mga dolyar.

Iginiit naman ng suspek na totoo ang kaniyang mga proyekto.

Ikinulong si Ajedo sa kasong estafa at falsification of public documents.

Nagbabala naman si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga gumagamit sa kanilang pangalan para makapambiktima sa mga modus.

"Nakailang beses na kasing ganyan, madalas talaga. 'Yong iba nangongolekta ng pera, sinasabi na koleksiyon para sa Marcos ID, kung ano-anong pakana," ani Marcos.

"Huwag po kayo maniniwala kasi kailanman 'di kami mangongolekta ng pera o mangingikil," dagdag ng gobernadora.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.