Libo-libong sako ng bigas, nadiskubre sa 2 bodega

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 09:33 AM

Libo-libong sako ng bigas ang nadiskubre ng awtoridad na nakaimbak sa dalawang bodega sa Barangay Palao sa Iligan City. Emilito Balansag, ABS-CBN News

ILIGAN CITY – Nag-inspeksiyon ang National Bureau of Investigation at ang National Food Authority sa 2 bodega sa Barangay Palao matapos makatanggap ng impormasyong nagiimbak doon ng bigas.

Sa unang bodega, tumambad sa awtoridad ang 25,000 sako ng bigas.

Ayon sa NBI, tindahan lang ng bigas ang idineklara ng may-ari at hindi ito awtorisadong mag-imbak.

Sa isa pang bodegang kanilang ininspeksyon na pagmamay-ari ng isang Filipino-Chinese, nadiskubre doon ang tinatayang 30,000 sako ng bigas.

"Posibleng nagtatago sila ng bigas para tumaas ang presyo," ani NBI chief Atty. Jamal Dimaporo. Posibleng kasama rin daw ang mga ito sa bigas na nasamsam ng NBI sa Cagayan de Oro noong nakaraang buwan.

Sa Iligan din umano dapat dadalhin ang mga nasamsam na bigas.

Ang ilan ay markado ng Malaysia kaya hinala ng awtoridad na smuggled ang ilang bigas.

May mga palatandaan rin ng rebagging o pagpapalit ng sako para kunwari ay lokal ang mga bigas.

Minanduhan na ngayon ng mga pulis ang dalawang bodega habang patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.